Home METRO Pagpapailaw ng higanteng Christmas tree sa Pasay umarangkada na!

Pagpapailaw ng higanteng Christmas tree sa Pasay umarangkada na!

279
0

PASAY CITY, Philippines – Sa pagdiriwang ng mahabang Kapaskuhan ay pormal na pinasimulan ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Pasay ang tradisyunal na pagpapailaw ng higanteng Christmas Tree sa harap ng Pasay City Hall Biyernes ng gabi, Nobyembre 28.

Alinsunod sa tema ng “Pasayahin 2025 na Level Up ang Saya!” ay magiging mas masaya at makabuluhan ang pagdiriwang ng Pasko at sa paggunita ng kaarawan Pasay ngayong taon.

Kasabay nito ang isang buwang selebrasyon para sa paggunita ng ika-162 taong kaarawan ng Pasay o ang tinatawag na Pasayahin festival ng lungsod upang ipagbunyi ang pagkakatatag nito bilang isang siyudad.

Sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na sa nabanggit na bilang ng pagiging siyudad ng lungsod ay Buena mano niyang pagkakalooban ng regalo ang 162 paslit at 162 senior citizen bilang hudyat ng pagsisimula ng pamumudmod ng aginaldo at Christmas package sa daan-daan libong residente ng Pasay.

Ayon kay Calixto-Rubiano, bagama’t dumaan sa magkakasunod na unos ang bansa dahil sa mga trahedya at kalamidad ay sisikapin ng local na pamahalaan na gawing payak subalit kakaiba ang Pasko at selebrasyon ng Pasay Day sa lungsod.

Iba’t-ibang aktibidad ang inilatag ng lokal na pamahalaan na nasimulan na nito pang nakaraang Nobyembre 22 kung saan inilunsad ang Padyak Pasay at nasundan na ito ng Chiristmas Tree lighting ngayong araw ng Biyernes; Parade of Lights na magaganap sa Disyembre 1; Recycled Belen Making; Pasay Anniversary Job Fair; Kasalang Bayan; at marami pang iba kung saan nakalinya ang mga kaganapan na ito hanggang sa pagtatapos ng taon. (James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here