Home NATIONWIDE Pagpapalabas ng balanseng health allowance kalapit ng SONA kinuwestyon

Pagpapalabas ng balanseng health allowance kalapit ng SONA kinuwestyon

MANILA, Philippines – Kinuwestyon ng Alliance of Health Workers (AHW) ang hindi agarang pagpapalabas ng hindi nabayarang COVID-19 Health Emergency Allowance (HEA) para sa mga health workers.

Tanong ng AHW, bakit ngayon lang kung kailan ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang pag-release ng buong HEA gayong meron pa lang pondo na available noon pa man.

Ipinunto ni AHW National President Robert Mendoza, ang direktiba ni Marcos ay itinaon kung kelan papalapit na ang kanyang ikatlong State of the Nation Address (Sona), kung saan ihahayag ang kanyang mga nagawa o accomplishments

“The timing of the release of long overdue benefits is very timely to the upcoming Sona by the President. Is it because the administration just wants to showcase his accomplishments rather than addressing the urgent needs of health workers?” sabi ni Mendoza sa isang press statement.

Sa kabila ng mga katanungan, sinabi ni Mendoza na umaasa pa rin ang lahat ng health workers sa pribadong at local government unit hospital at health facilities na mababayarn ang kanilang inaasam na HEA.

Naniniwala si Mendoza na ang pagpapalabas ng HEA ay isang “makabuluhang tagumpay” para sa mga manggagawang pangkalusugan na nagsilbi sa bansa sa panahon ng pandemya ng COVID-19.

Ayon kay Mendoza, makakasama ang mga health worker sa SONA ng bayan sa Hulyo 22.

Magiging plataporma aniya ang kaganapan para maiparating nila ang kanilang mga kahilingan sa administrasyong Marcos.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)