MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Agriculture (DA) na ipagpapatuloy nito ang pagbebenta ng P20 kada kilong bigas sa 32 Luzon centers matapos ang May 2025 midterm elections.
Nauna rito, sinabi ng DA na gagawin nitong available ang P20 kada kilo ng bigas sa indigent na pamilya sa Visayas sa unang linggo ng Mayo, subalit biglang ipinahinto ang programa matapos ipanukala ng Commission on Elections (Comelec) na gawin na lamang ito matapos ang eleksyon upang maiwasan na mahaluan ng politika ang programa.
“Ang aming launch ay mangyayari sa May 13… pero by next week ang target natin ay 32 kadiwa centers, Luzon-wide na ito,” ang sinabi ni DA Assistant Secretary Genevieve Guevarra.
Ang P20 na bigas ay unang mabibili sa Kadiwa Centers sa mga lungsod ng Kalakhang Maynila sa May 13. Ang mga lungsod na ito ay ang Caloocan, Las Piñas, Mandaluyong, Navotas, Pasay at Quezon City.
Tinatayang isusunod naman sa Mayo 15 ang 23 iba pang lugar sa Luzon habang may ilang Kadiwa Stores ang binuksan tuwing araw ng Huwebes hanggang Sabdo.
Sa kabilang dako, tiniyak ng DA sa pubiko na ang rice stock na ibinebenta sa kalahati ng halaga ay “good for consumption.”
“These are the aging stocks ng NFA (National Food Authority). Dumadaan po yan sa quality control. Hindi naman tayo magbebenta ng unfit na bigas,” ang sinabi ni Guevarra.
“Makakaasa po kayo na pag may nakita kaming may defect, hindi ito mabebenta,” dagdag niya.
“The P20 rice are sourced from local farmers, are a bit darker in color only because they are not milled multiple times, unlike the usual commercial rice,” ang winika pa rin ni Guevarra sabay sabing, “Kapag ginigiling niyo ng paulit ulit, pumuputi. Ito kaunting giling lang kaya mayroon siyang specs.”
“Nagiging aging po ito dahil buffer stock ito. Kapag hindi ito nagamit for any calamity or emergency, ito ay dinidispose, binebenta sa mas mababang halaga,” patuloy nito.
Inaasahan namang mapakikinabangan ng 2 milyong indigents sa Metro Manila lamang ang nasabing programa.
“Each family is limited to purchasing a maximum of P30 kilos of the cheaper grain per month,” ayon kay Guevarra.
Samantala, tinitingnan ng DA na makipag-sanib-pwersa sa ibang retailers para palawakin ang programa. Kris Jose