MANILA, Philippines – Isinusulong ng mga mambabatas ang pagpapalawak ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) matapos ipakita ng OCTA Research survey na 69% ng mga Pilipino ang sumusuporta sa pagpapatuloy at pagpapalakas ng programa.
Pinatutunayan ng survey ang epektibong paghatid ng AKAP ng direktang ayuda sa mga nangangailangan.
Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, patunay ang mataas na suporta ng publiko na mabilis at maayos na nakararating ang tulong sa mga tao.
Hinimok naman ni Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr. ang mga pinuno ng bansa na pagtuunan ng pansin ang pagpapalakas ng AKAP upang matugunan ang pang-araw-araw na paghihirap ng mga Pilipino.
Nanawagan si Deputy Speaker David Suarez sa mga kapwa mambabatas na pagbutihin ang programa sa halip na sayangin ang oras sa pulitikang walang saysay.
Samantala, iginiit ni House Majority Leader Manuel Jose Dalipe ang pangangailangan ng kooperasyon upang mapabilis ang pamamahagi ng ayuda at maramdaman ng masa ang tunay na malasakit ng pamahalaan.
Ang survey ay isinagawa mula Enero 25 hanggang 31, 2025, sa pamamagitan ng 1,200 face-to-face interviews sa buong bansa, na may ±3% margin of error. RNT