MANILA, Philippines – Naghain si Senador Jinggoy Ejercito Estrada ng panukalang batas upang palawigin ng tatlong taon ang estate tax amnesty, na nagtapos noong Hunyo 14, 2025.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1488, nais ni Estrada na pahabain ang bisa ng amnestiya hanggang Hunyo 14, 2028 upang mabigyan ng mas mahabang panahon ang mga pamilyang Pilipino na maayos ang mga problemang may kaugnayan sa mana at ari-arian nang walang multa at dagdag na bayarin.
Layunin ng panukala na amyendahan ang Tax Amnesty Act o Republic Act No. 11213, na na-update ng RA 11569 at RA 11956, upang ipagpatuloy ang estate tax amnesty hanggang 2028.
Nilalayon din nitong bigyan ng mas maraming oras ang mga tagapagmana na pormal na mailipat ang pagmamay-ari ng mga minanang ari-arian.
Binanggit ni Estrada na kahit may bisa na ang RA 11213, marami pa ring pamilya ang hindi nakinabang sa amnestiya dahil kulang sa kaalaman, kakayahan, at access sa mga legal na proseso.
Kung mapapasa ang SB 1488, mas mabibigyan umano ng pagkakataon ang mga pamilya na maayos ang mga isyu sa mana, magamit ang mga lupang nakatiwangwang, at mapakinabangan ang halaga ng kanilang mga ari-arian.
Papayagan din ng panukala ang mga tagapagmana na maghain ng Estate Tax Amnesty Return, manu-mano man o sa pamamagitan ng electronic filing, sa mga awtorisadong bangko, Revenue District Office, Revenue Collection Officer, o awtorisadong tax software provider.
Diin ni Estrada, ang panukala ay naglalayong tulungan ang mga pamilyang hindi nakabayad ng buwis hindi dahil sa pagtanggi, kundi dahil sa kakulangan ng kakayahan, upang sila ay makapagpatuloy at makapag-ambag sa pambansang kaunlaran. RNT/MND