MANILA, Philippines- Binabalak ng Commission on Elections (Comelec) na palawgin ang local absentee voting (LAV) system upang isama ang mas maraming government workers, partikular ang healthcare professionals, para sa 2025 national and local elections (NLE).
“Gusto natin ito i-expand. Ibig sabihin mas maraming empleyado ng pamahalaan ang nakakapag-avail ng LAV,” pahayag ni Comelec Chairperson George Garcia nitong Biyernes.
“Lalo na sa healthcare sector na alam naman natin nakadeploy sila nang mas maaga pag nagkakaroon ng halalan… Sana ‘yung ibang ahensya rin na kalimitan may trabaho na ginagawa na patungkol sa halalan, marapat sana na makagawa agad ng request sa Comelec para makasama ang kanilang opisina sa LAV,” dagdag niya.
Sa kasalukuyan, kabilang sa absentee voters sa Pilipinas ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at media practitioners na naka-duty tuwing eleksyon.
Hindi pa inaanunsyo ng Comelec ang registration period para sa LAV. Subalit, ayon sa kalendaryo ng election body para sa 2025 midterm elections, nakatakda ang absentee voting period mula April 28 hanggang April 30, 2025.
Kasado naman ang midterm elections sa May 12, 2025. RNT/SA