MANILA, Philippines- Ibinahagi ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan na nasa 91 trak ng basura ang nag-iikot sa buong Maynila upang mangolekta ng mga basurang natitira pagkatapos ng bakasyon.
Ayon kay Lacuna, kailangang mangolekta ng apat na beses sa dami ng regular na basura sa lungsod upang ang mga basura nitong Disyembre 31 hanggang Enero 2, 2025 ay makolekta.
Aniya, hanggang sa ngayon ay patuloy pa din ang kanilang mopping at clean-up sa buong Maynila.
Ayon pa sa alkalde, 24 oras umano ang ginagawang paghahakot ng mga basura sa lungsod kung saan nasa 91 mga trak ang umiikot sa buong Maynila.
Ang pagmamadali sa paglilinis ng mga lansangan ng Maynila ay dumarating ilang araw bago ipagdiwang ng lungsod ang Pista ng Itim na Nazareno sa Quiapo sa susunod na Huwebes, Enero 9.
Sa bahagi nito, sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na may isinasagawang clearing operations sa ruta ng Traslacion – ang tradisyonal na prusisyon ng imahe ng Itim na Nazareno.
Nabatid sa MMDA na agad silang magsasagawa ng clearing operation sa dinaanang ruta ng prusisyon at titiyakin nilang malinis ang bawat madaraanan ng traslacion hanggang sa makabalik ito sa Quiapo church.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Lacuna kung bakit nagkaroon ng mga tambak ng basura sa iba’t ibang lugar sa Maynila nitong nagdaang bisperas ng Bagong Taon dahil hindi umano nangolekta ng basura ang dating kontraktor ng lokal na pamahalaan na Leonel waste management.
Matatandaang inanunsyo ni Lacuna nitong Lunes na ang MetroWaste Solid Waste Management Corp. at Philippine Ecology Systems Corp. ay nanalo ng P842.7 milyong kontrata para magkaloob ng mga serbisyo sa pangongolekta ng basura para sa lungsod ngayong 2025. JR Reyes