MANILA, Philippines- Pinag-aaralang mabuti ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang posibilidad na ma-extend ng apat na buwan ang panunungkulan ni Gen. Rommel Francisco Marbil bilang chief ng Philippine National Police (PNP).
Sa isang ambush interview kay Pangulong Marcos matapos dumalo sa paglulunsad ng TESLA Center Philippines sa Tesla Center, Uptown Parade, Uptown Bonifacio, BGC Fort Bonifacio, Taguig City, araw ng Lunes, Enero 20, sinabi nito na hindi maganda na bigla na lamang papalitan ang hepe ng PNP sa kalagitnaan ng campaign period at nalalapit na election period sa bansa.
“Well, there is a very strong argument that it would be, it would not be good for stability especially to change the chief PNP in the middle of a campaign period and approaching an election period. So pinag aaralan namin, but I think that is probably a very strong argument to keep him on. At the very least, until after the elections,” ayon sa Pangulo.
Sa ulat, nauna nang sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na may mga indikasyon na mapahaba pa ang termino ni Marbil bagama’t wala pang opisyal na pahayag mula kay Pangulong Marcos.
Ang nalalapit na midterm elections ang maaaring maging pangunahing dahilan ng extension nito, na posibleng tumagal hanggang Hunyo.
Si Marbil ay itinalagang PNP chief noong April 1, 2024, at nakatakdang magretiro sa February 7, 2025, sa mandatory retirement age na 56. Kris Jose