MANILA, Philippines- Masusing pinag-aaralan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang rekomendasyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na i-adjust ang working hours ng national government agencies sa National Capital Region (NCR) upang maibsan ang mabigat na trapiko.
“Well, we’re studying it. If it works, we’ll do it. But we have to, it’s not enough to talk to the traffic enforcers and the administrators of traffic that have made the suggestion,” ayon sa Pangulo sa isang ambush interview matapos dumalo sa paglulunsad ng TESLA Center Philippines sa Tesla Center, Uptown Parade, Uptown Bonifacio, BGC Fort Bonifacio, Taguig City, araw ng Lunes, Enero 20.
Kailangan din aniyang tanungin ang commuting public kung practikal para sa mga ito ang nasabing rekomendasyon.
“So, if turns out that everyone agrees to it then I cannot see why it will be a problem,” dagdag na wika ng Pangulo.
Sa ulat, inihayag ni MMDA Chairperson Romando Artes na naniniwala siyang kung lahat ng ahensya ng pamahalaan ay magpapatupad ng 7am to 4pm working hours, mararamdaman ang magandang epekto nito.
Idinagdag ni Artes na posibleng magsumite sila ng report at rekomendasyon sa Office of the President.
Halos dalawang milyong empleyado aniya ang inaasahang makaiiwas sa bugso ng mga commuter sa kasagsagan ng matinding trapik tuwing alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi, kapag inaprubahan ang kanilang rekomendasyon. Kris Jose