MANILA, Philippines – Nilinaw ng Department of Transportation (DOTr) nitong Biyernes na walang planong ipasara ng ahensya ang mga online market platforms tulad ng Shopee, Lazada, Facebook Marketplace, Carousell o TikTok.
Sa isang pahayag, sinabi ng DOTr na isang video na naka-post online ang kumakalat at nagsasabing ipapasara ng DOTr ang mga online market, kaya maaaring maapektuhan ang kabuhayan ng mga delivery riders.
“Hindi po ito totoo. Ang konteksto ng video ay tungkol sa pagpapasara ng hindi awtorisadong online resellers ng Beep cards sa mga nabanggit na platform,” sabi nito.
Nagbabala ito na maaaring magsagawa ng legal na aksyon laban sa mga indibidwal na nagpo-post ng naturang maling impormasyon sa social media.
“Hinihikayat ng DOTr ang mga komyuter at netizens na maging mapanuri sa mga nababasa online, at i-report agad ang mga nagpapakalat ng mga maling impormasyon,” saad pa nito.
Noong Agosto 28, nagsagawa ng joint press conference ang DOTr kasama ang Land Transportation Office (LTO) at Philippine National Police (PNP) – Anti-Cybercrime Group para ipahayag ang crackdown laban sa mga iligal na reseller ng Beep cards, ang reloadable smart card na ginagamit para sa pagbabayad ng pamasahe sa elevated railway system at mga piling linya ng bus.
Pormal nitong hiniling sa mga online market platform na tanggalin ang mga hindi awtorisadong pagbebenta o listahan ng mga Beep card at i-delist ang mga ilegal na Beep card vendor para hindi sila masangkot sa mga paglabag ng mga ilegal na nagbebenta. RNT/MND