Home NATIONWIDE Pagpapasara ng tulay sa Binondo inireklamo ng ilang motorista, residente

Pagpapasara ng tulay sa Binondo inireklamo ng ilang motorista, residente

MANILA, Philippines – INIREKLAMO ng ilang mga residente at motorista partikular na ang mga delivery motorcycle ang ginawang pagpapasara ng isang pampublikong tulay na nagsisilbing “shortcut” ng mga ito patungo sa kanilang destinasyon sa isang lugar sa Binondo, Maynila.

Nabatid na dahil sa isinasagawang konstruksyon ng 42-palapag na Royal Residential Tower sa may Piedad St., Binondo, ipinasara nito ang isang maliit na tulay na kilala sa tawag na “Piedad bridge”.

Reklamo ng ilang mga delivery motorcycle, naaantala ang kanilang mga idinideliber lalo na kung ang kanilang ginagamit na community driven navigation app ay itinuturong dumaan sa nasabing ipinasarang tulay sa Piedad St.

Malaki aniya ang nawawalang kita sa ilang mga motorcycle delivery service na nag-aabono pa sa oras na maantala ang kanilang delivery, lalu na sa mga establisimientong nagtatakda ng oras ng kanilang pagdating sa lugar na pagdadalhan ng produkto o pagkain.

Dahil dito, napipilitan silang maghanap ng ibang madadaanang ruta na kadalasan ay naiipit na sila sa mas mabigat ang daloy ng trapiko bunga ng napakalayong lugar na kanilang iniikutan.

May ilang gusali rin sa naturang lugar na katabi ng ginagawang gusali ang labis na ring naapektuhan, hindi lang sa ilang mga debris na bumabagsak sa kanilang bubungan, kundi nagkakaroon na rin ng bitak ang kanilang pader.

Sabi pa ng ilang mga motoristang hindi na makagamit ng Piedad St. na sana raw ay masilip ito ng tanggapan ni Sec. Manuel Bonoan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Engineering Office at Building Official ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila upang makita nila kung anong perhuwisyo sa mga riders ang resulta ng ginawang pagsasara sa pampublikong tulay.

Nang makarating naman ang reklamo sa tanggapan ng Engineering Office ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, sinabi ni City Engineer Arman Andres na kaagad niya itong ipai-inspeksiyon sa kanyang mga tauhan at tiniyak na gagawa ng kaukulang aksiyon bilang tugon sa hinaing ng mga motorista at residente sa lugar. RNT