Home OPINION PAGPAPASAYA SA MGA BATA, NAKAGAGAAN NG PAKIRAMDAM

PAGPAPASAYA SA MGA BATA, NAKAGAGAAN NG PAKIRAMDAM

NAGKALULUNGKOT pagmasdan ang mga batang nasa compound ng Taguig City Jail Female Dorm na dumalaw sa kanilang mga ina na nakapiit sa kulungan kasama ang kanilang guardians.

May mga batang halos isa o dalawang taong gulang pa lang at mayroon din namang teenagers na nami-miss ang yakap ng kanilang “ilaw ng tahanan”.

Nakadudurog ng puso kapag pinagmasdan. Pero ang pagkatangay sa emosyon ay kaagad napaglabanan ng mga miyembro ng National Capital Region Police Office Press Association matapos magsagawa ng gift giving sa nasabing piitan noong Disyembre 19, 2024 na nagsimula ng alas 10 ng umaga at natapos lampas pananghalian na.

Noong una ay parang balewala lang sa mga miyembro ng NCRPO Press Association ang gift giving kaya ilan lang halos ang nagboluntaryo na makiisa. Sa 25 miyembro, tanging 10 na miyembro ang sumama, 4 mula sa Oblates of the Holy Family at dalawang policewoman mula sa NCRPO Community Affairs Division.

Sa paghahanda ng mga ipamimigay sa mga bata, bagaman mainit sa lugar ay talaga namang pinagtiisan ng mga nakiisa. Hindi alintana ang pagod at hirap basta ang layunin ay maging matagumpay ang proyekto.

Nang isa-isang iniaabot na ang mga napagtulung-tulungang ipamigay na school kits, laruan, candies, tinapay, tubig at pananghalian (FCJ Chicken), ibang tuwa ang naramdaman ng bawat isa sa mga ngiti at pasalamat na natanggap mula sa mga bata.

Tuwang-tuwang ang mga sumama sa gift giving dahil napakasarap daw pala sa pakiramdam nang makapagbigay ng ngiti sa mga batang katulad ng mga binigyan ng pag-asa at ipinakita ang tunay na diwa ng Pasko.

Hiling nga ng mga ito, sana raw ay taon-taong maisagawa ng NCRPO Press Association ang pamamahagi ng konting nakayanan sa mga batang sabik sa pagmamahal ng kanilang ina.

Salamat NCRPO Press Association sa inyong pakikiisa sa inyong lingkod sa pagbibigay ng konting kasiyahan sa mga bata. Maaaring maulit natin muli ang magandang gawaing ito pero sa susunod, posibleng sa Pebrero ng 2025 ay mga matatandang inabandona ng kanilang pamilya ang atin namang pasasayahin.

Salamat sa pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology lalo na kina Director Ruel S. Rivera at BJMP National Capital Region director J/Chief Supt. Clint Russell Tangeres dahil sa pagbibigay ng pagkakataon na makapagpasaya ng mga batang kapos sa kalinga ng ina.

MALIGAYANG PASKO SA LAHAT!