MANILA, Philippines – Isinasaalang-alang ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na isama ang mga kinauukulang hepe ng Bureau of Customs (BOC) at Land Transportation Office (LTO) sa imbestigasyon sa mga luxury vehicle ng mga contractor na sina Curlee at Sarah Discaya.
“Titignan po ito ng ICI. If smuggled ang mga auto, obviously meron pong paglabag ng batas at dapat rin po may managot,” sinabi ni ICI executive director Brian Hosaka nang tanungin kung iimbestigahan ng komisyon ang mga opisyal ng dalawang ahensya.
Sinabi ni House of Representatives Infrastructure Committee chairperson Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon noong Lunes na dapat ipatawag ng ICI si LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II at BOC chief Commissioner Ariel Nepomuceno para sa imbestigasyon.
Noong Oktubre 1, sinabi ng BOC na may kabuuang 30 sasakyan na pag-aari ng mga Discaya ang nasa ilalim ng kustodiya nito dahil sa posibleng paglabag sa customs law.
Nasamsam ang mga sasakyan nina Curlee at Sarah Discaya matapos silang maiugnay sa mga maanomalyang proyekto sa pagkontrol sa baha ng gobyerno. RNT/MND