Home METRO UN Convention para sa senior citizens isinulong sa Kamara

UN Convention para sa senior citizens isinulong sa Kamara

310
0

MANILA, Philippines – Isang House Resolution ang inihain sa Kamara ni United Senior Citizens Partylist Rep Milagros-Magsaysay na nagbibigay suporta sa panawagan ng Pilipinas sa mga miyembro ng United Nations na bumuo at magpasa ng isang pandaigdigang polisiya para sa pagpapahalaga sa mga nakakatanda o mga senior citizens.

Sa kanyang House Resolution No 340 sinabi ni Magsaysay na napapanahon na para kilalanin ng buong mundo ang karapatan ng mga nakatatanda at bilang kinatawan ng senior citizens sa Kamara ay isa sya sa pangunahing magsusulong at mananawagan sa United Nations para magkaroon ng United Nations Convention on Senior Citizens.

“Panahon na para pangunahan ng Pilipinas ang panawagan sa lahat ng mga miyembro ng UN na kilalanin ang mga karapatan ng mga matatanda sa buong mundo. Hindi lamang ito paninindigan para sa mga ambag ng mga nakakatanda sa ating lipunan kundi para itaguyod ang isang mundong nagpapahalaga sa nakatatandang henerasyon” paliwanag ni Magsaysay.

Umaasa si Magsaysay na makatutulong na maging daan ang inihain nyang resolusyong para tuluyang  ilatag ng United Nations General Assembly ang isang malawakang polisiya tungkol sa dignidad at karapatan ng mga nakakatatanda laban sa anumang uri ng pang-aapi, pang-aabuso at pagbabaya.

Bukod sa inihaing resolusyon ay nag-privilege speech din si Magsaysay sa plenaryo kasabay ng pagdiriwang ng National Elderly Filipino Week, sa nasabing speech iginiit nito na ang pagkakaroon ng isang convention para sa mga seniors ay isang pagtiyak na magkakatoon ng proteksyon at pangangalagaan ang kapakanan ng mga nakatatanda sa buong mundo lalo na sa anumang uri ng pang-aabuso at sa lumalalang epekto ng climate change.

“Napakaraming mukha at uri ng mga pang-aabuso at pagpapabaya sa mga matatanda sa buong mundo. Matatanda rin ang pinakaapektado ng mga kaguluhan, digmaan at ng epekto ng climate change. Kailangan nating manindigan. Ngayon higit kailanman, bIlang isang bansang nagmamahal sa matatanda, kailangang magsimula sa ating mga Pilipino magsimula ang pagsigaw sa tinig na ito,” pahayag ni Aquino-Magsaysay.

Sakaling maipasa ng United Nations, magiging karagdagan ang convention na ito sa mga nauna nang United Nations Convention tulad ng International Covenant on Civil and Political Rights (ICCPR), UN Convention on the Rights of the Child (CRC), UN Convention on the Rights of Persons with Disabilities (UNCRPD) at UN Framework Convention on Climate Change (UNFCCC).

Sa kasalukuyan, nasa mahigit labing-dalawang milyon ang nakatatandang Pilipino habang mahigit isang bilyon naman sa buong mundo. /Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here