MANILA, Philippines – Inihayag ng Department of Education (DepEd) noong Huwebes, Pebrero 5, na pinapabilis nito ang pagpapatayo ng mga hindi pa natatapos na silid-aralan sa buong bansa at naghahanda ng mas malawak na paraan ng pagpapatupad sa 2026 upang tugunan ang kakulangan sa pampublikong paaralan.
Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, mahigit 8,000 silid-aralan ang kasalukuyang itinatayo para sa 2024 at 2025, at 3,600 na rito ang natapos ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Ang natitirang proyekto ay mino-monitor upang masiguro ang tamang oras ng pagkumpleto at turnover sa mga mag-aaral.
Para tugunan ang backlog, nagmungkahi ang DepEd ng P3.192 bilyon para sa 2026 national budget upang matapos ang 3,614 classrooms. Inaprubahan ng Kongreso ang P2.282 bilyon, sapat para sa 2,067 silid-aralan.
Kasama sa hakbang ng DepEd ang nationwide validation sa 384 paaralan na may hindi pa natatapos na proyekto upang suriin ang pisikal na kalagayan, natitirang gawain, kakulangan sa pondo, at kahandaan ng lugar.
Para sa 2026, plano ng DepEd na palawakin ang mga opsyon sa pagpapatayo ng silid-aralan, kabilang ang aktibong partisipasyon ng mga lokal na pamahalaan (LGUs) at public-private partnerships (PPPs), upang mas mapabilis ang availability ng mga classrooms at mas umayon sa pangangailangan ng komunidad.
Nagpulong si Angara noong Pebrero 4 kasama ang mga mayor sa National Capital Region (NCR) upang talakayin ang guidelines para sa school building projects sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act, kabilang ang eligibility ng LGUs at alternatibong solusyon tulad ng pag-lease at pag-aayos ng existing facilities.
Ayon sa DPWH Secretary Vince Dizon, tinatayang 1,500 hanggang 2,000 silid-aralan ang maitayo sa ilalim ng bagong construction program sa 2026. RNT/MND