Home NATIONWIDE Garbage collection fee sa Maynila, pinababasura sa SC

Garbage collection fee sa Maynila, pinababasura sa SC

188
0
(c) Remate File Photo

MANILA, Philippines – Naghain ng petisyon ang isang pribadong mamamayan at guro sa Korte Suprema na humihiling na ipawalang-bisa ang ordinansa ng lungsod ng Maynila sa garbage collection fees.

Sa petition for certiorari and prohibition ng petitioner na si John Barry Tayam sa SC, hiniling na maglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) upang itigil ang implementasyon ng City Ordinance 9151.

Ayon kay Tayam, kung walang TRO, magkakaroon ng “malubha at di-maibabalik na pinsala sa komunidad ng negosyo sa Maynila kung hindi mapipigilan ang ‘mapang-aping’ bayarin bago ang deadline ng renewal ng business permit sa Pebrero 13.”

Idinagdag niya na ang agarang implementasyon ng Revised Schedule of Garbage Collection Fees ay nagdudulot ng direktang banta sa pananalapi ng mga negosyante at stakeholder sa Maynila, at ang pagbawi ng mga bayad ay magiging mahirap para sa libu-libong apektadong negosyo.

Ang ordinansa, na nagresulta sa pagtaas ng bayad sa koleksyon ng basura, ay naipasa ng ika-13 Konseho ng Lungsod noong Disyembre 2025, sa ilalim ni Bise Alkalde Chi Atienza, at pinirmahan ni Mayor Isko Moreno.

Bagamat residente si Tayam ng Las Piñas City, ginamit niya ang “Doctrine of Transcendental Importance” upang hilingin sa korte na huwag ipatupad ang mahigpit na tuntunin sa legal standing.

Binanggit din niya ang kanyang madalas na pagbisita sa Maynila at ang personal na karanasan sa “chronic flooding na dulot ng hindi nakokolektang basura.”

Samantala, iginiit ng pamahalaang lungsod na ang pagtaas ay kinakailangan para sa pananalaping kaligtasan ng Maynila, lalo na’t minana nito ang mahigit P10 bilyong utang. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here