Home NATIONWIDE Pagpapatibay sa kaso laban sa PNP officials na sangkot sa shabu haul,...

Pagpapatibay sa kaso laban sa PNP officials na sangkot sa shabu haul, tinalakay

MANILA, Philippines – Nagpulong ang mga opisyal ng National Police Commission (Napolcom) at ang panel of prosecutors ng Department of Justice (DOJ) kaugnay sa patuloy na imbestigasyon sa umano’y pagkakasangkot ng mga pulis sa P6.7 billion drug operation na itinuturing na pinakamalaking operasyon sa bansa.

Sa ginanap na closed door investigation, inihain ng Napolcom officials ang karagdagan na reklamo hinggil sa 990 kilos ng shabu na nasabat sa anti-illegal drugs operation nitong 2022.

Sa isang kalatas, sinabi ng DOJ na sa sandaling matapos ang case build-up ay sisimulan na ang preliminary investigation upang mabatid kung may probable cause para kasuhan ang mga dawit sa anomalya.

Tinalakay sa clarificatory meeting ang pagsusumite ng Napolcom ng evidentiary documents bilang bahagi ng case build-up.

Iginiit ng DOJ na mananatili itong matatag sa laban kontra sa illegal drugs at tiniyak na mapapanagot ang mga sangkot sa katiwalian.

Magugunita noong nakaraang taon ay inihayag ng Department of the Interior and Local Government na 50 pulis kabilang ang dalawang generals ang nahaharap sa reklamong kriminal sa Office of the Ombudsman dahil sa shabu haul. Teresa Tavares