MANILA, Philippines – Pabor pa rin ang mas nakararaming bilang ng mga Filipino na magpatuloy ang Ayuda Para sa Kapos ang Kita (AKAP) program, ayon sa pinakahuling Tugon ng Masa survey ng OCTA Research.
Ang AKAP ay ipinatupad noong 2024 ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na layong magbigay ng financial aid sa mga indibidwal na nahaharap sa hirap sa buhay, partikular ang mga apektado ng job loss, natural disasters, o economic challenges.
Napag-alaman sa non-commissioned survey na 69% ng 1,200 respondents ang sumusuporta sa pagpapatuloy ng programa at layong mas mapalawak pa ito, dahil sa “effectiveness and relevance.”
Pinakamatasa ang suportang nakuha mula sa Balance Luzon (74%) at pinakamababa sa Visayas (63%).
Kapansin-pansin din na 100% ng respondents mula sa MIMAROPA Region ang sumusuporta sa pagpapalawig ng AKAP, habang may pinakamababang agreement rates sa Cagayan Valley (16%), CARAGA (42%), at Northern Mindanao (49%).
Nakita rin na mas sumusuporta ang urban residents (72%) kaysa rural residents (66%), at mas maraming babae (72%) ang pabor sa AKAP kaysa sa mga lalaki (67%).
Pinakamalaking suporta naman na nakuha ay mula sa mga respondent na walang formal education.
Matatandaan na kinwestyon ng ilang mambabatas ang pondo sa AKAP mula sa 2025 national budget.
Itinanggi naman ng Kamara na ang programa ay ginagamit bilang political tool lalo na sa paparating na halalan.
Ang Tugon ng Masa survey ay isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews mula Enero 25 hanggang 31, 2025.
May margin of error itong ±3% sa 95% confidence level. RNT/JGC