
BUKOD sa Divisoria, isa ang Obrero Market sa Blumentritt St. sa Sta Cruz, ang dinarayo ng mga mamimili, hindi lang mga taga-Maynila, kundi maging mga taga- karatig lungsod dahil mas mababa ang presyo rito ng mga karneng baboy baka, at manok syempre kasama na rin ang isda.
Dagsa rito, hindi lang mamimili, kundi maging vendors sa mga lansangan ng Oroquieta, Felix Huertas, P. Guevarra at maging maliit na kalye ng M. Hizon at Sulu kaya hindi nakapagtataka na maging ang kahabaan ng Blumentritt, mula sa Oroquieta hanggang P. Guevarra ay latagan na rin ng paninda ng sidewalk vendors.
Ang hindi lang talaga nila maokupa ay ang harapan ng Blumentritt Community Precinct at ang pasukan ng mga mag-aaral ng Manuel L. Quezon High School. Kaya naman ang resulta, masikip na daloy ng trapiko dahil sinakop na hindi lang ng vendors ang halos kalahati ng lansangan kundi maging mga tricycle na nag-aabang ng mga pasahero. Isama pa ang mga pasaway na pribadong motorista.
Hindi naman ganito kasikip dati ang Blumentritt dahil nailagay na sa ayos ng lokal na pamahalaan at pulisya noong taong 2019 hanggang 2022 ang sidewalk vendors at ipinatupad pa noon ang mahigpit na pagbabawal sa pulisya na kotongan ang mga vendors.
Maging ang area ng Divisoria sa kahabaan ng C.M. Recto na pinapayagan noon pa man ang “night market” ay mabilis ding nalilinis bago pa magbukang-liwayway dahil pinagtutulungan nang contractor ng basura at ng mga tauhan ng Department of Public Service ang pagtanggal ng mga naiwang kalat ng mga vendors at mga mangangalakal ng gulay.
Kinakailangan pa nga na magkaroon ng katuwang na fire volunteer ang DPS para bombahin ang kalsada ng C.M. Recto para hindi maging maputik at madulas na kadalasang pinagmumulan ng disgrasya ng mga nakamotorsiklo.
Ginagawa pa naman sa ngayon ang paglilinis sa Divisoria pero ang hindi yata naaalis ay ang mapanghing amoy sa lansangan na nangangahulugan na kulang sa bomba ng tubig para tuluyang maging malinis.
Pero bakit nga ba namumutiktik na naman sa dami ng sidewalk vendors ang maraming lansangan, lalo na sa Blumentritt namukhang hinahayaan lang ng mga pulis samantalang pinapayagan na nga silang sakupin ang iba’t ibang kalye sa lugar?
Maugong kasi ang balita na may isa raw civilian na may alyas “Dylan” ang humahawak ngayon ng koleksyon sa sidewalk vendors sa Maynila kaya hindi na masawata ang kanilang pag-okupa sa mga lansangan.
Hindi ba dati’y hindi naman kinokolektahan ng “tongpats” ang vendors kundi Hawkers Fee lang na P20 kada maliit na pwesto? Kung kokolektahan pa sila ng tongpats, mapipilitan silang magtaas ng presyo ng kanilang paninda para matakpan ang mawawala nilang kita. Ang tanong lang, sinong opisyal ng pulisya ang nagbigay ng basbas kay alyas Dylan para kumolekta sa sidewalk vendors?