
INANUNSYO ng Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) ang pagpapatupad ng pinalawak nitong benepisyo para sa Extracapsular Cataract Extraction with Insertion of Intraocular Lens (IOL) na sumasaklaw sa parehong operasyon para sa matatanda at bata, epektibo simula nitong Enero 30, 2025.
Ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. na patuloy na pagbutihin at palakasin ang mga benepisyo sa pangangalagang pangkalusugan na ibinibigay ng PHILHEALTH, upang matiyak ang sapat na suporta sa mga pasyenteng nangangailangan ng medikal na paggamot.
Batay sa PHILHEALTH Circular No. 2025-0001 na inilathala noong Enero 15, 2025, ang benepisyo para sa operasyon ng katarata sa matatanda ay lumaki nang higit apat na beses, na may panimulang suporta sa halagang Php20,200. Nag-iiba ang saklaw depende sa uri ng lente na ginamit:
– Monofocal IOL o standard lens – Php28,300 bawat mata;
– Monofocal toric IOL (para sa malinaw na paningin sa isang partikular na distansya habang kinokorek ang astigmatism) – Php43,800 bawat mata;
– Multifocal IOL (para sa malinaw na paningin sa parehong malapit at malayong distansya) – Php66,900 bawat mata; at
– Multifocal toric IOL (para sa pagwawasto ng astigmatism at paningin sa iba’t ibang distansya) – Php80,900 para sa bawat mata
Samantala, ang saklaw para sa operasyon ng katarata sa mga bata ay lumaki nang sampung beses, na may benepisyong umaabot sa Php135,000 bawat mata at Php139,050 para sa parehong mata. Kung may kasamang intraocular lens (IOL), tataas ang saklaw sa Php179,000 bawat mata at Php187,100 para sa parehong mata.
Noon, ang PHILHEALTH ay nagbabayad lamang ng Php16,000 bawat mata para sa operasyon ng katarata, nang walang pagkakaiba sa pagitan ng operasyon sa matatanda at bata.
Upang matiyak ang tuloy-tuloy at maagap na serbisyong medikal, pinaaalalahanan ng PHILHEALTH ang lahat ng accredited healthcare facilities na panatilihin ang sapat na suplay ng intraocular lenses, mahahalagang gamot sa mata, life-saving drugs, IV fluids, at iba pang kinakailangang gamit upang maiwasan ang labis na gastusin ng mga pasyente sa pagbili ng mga ito sa labas.
Ang makabuluhang pagtaas na ito sa benepisyo para sa operasyon sa katarata ay inaasahang makatutulong sa pagbabawas ng mga kaso ng preventable blindness at pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng mga Pilipinong may ganitong kondisyon sa mata.
Noong 2024, naglabas ang PHILHEALTH ng kabuuang Php3.58 bilyon para sa 224,209 na operasyon sa katarata.