MANILA, Philippines — Pinuri ni Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr. ang Senado sa pag-apruba ng panukalang maglilipat sa Setyembre ang kauna-unahang regular elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa botong 21-0, inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill 1823 na nagtatakdang ilipat mula Marso patungong Setyembre ang halalan ngayong 2026.
Umaasa si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, may-akda ng panukala, na maipapasa rin ito sa Kamara upang tuluyang maisabatas.
“Doing so will reassure our kababayans in BARMM that finally there will be an election this year,” ani Zubiri.
Sa ilalim ng panukala, gaganapin ang unang BARMM Parliamentary Election sa ikalawang Lunes ng Setyembre 2026. Manunungkulan ang mga mananalo simula Oktubre 30, 2026 hanggang Hunyo 11, 2031.
Ayon kay Galvez, mahalagang hakbang ang paglipat ng halalan upang matiyak na maayos at inklusibo ang transisyon sa rehiyon.
“The resetting of the elections is a strategic move to ensure that the transition process is inclusive, legally sound, and fully prepared for the historic exercise of democracy,” pahayag niya.
Dagdag pa niya, magbibigay ito ng sapat na panahon para maayos ang voter registration at iba pang preparasyon upang walang botanteng Bangsamoro ang maiwan.
Pinuri rin ni Bangsamoro Member of Parliament Naguib Sinarimbo ang Senado sa maagap na pag-aksyon.
“Isa itong mahalagang development para sa BARMM upang magkaroon ng malinaw na direksyon ang demokrasya sa ating rehiyon,” ani Sinarimbo. RNT/JGC