MANILA, Philippines- Kinondena ng Commission on Elections ang pagpatay sa election officer ng komisyon sa Nunungan, Lanao del Norte.
Kasabay ng pagkondena, nagpahayag si Comelec Chairman George Garcia ng marubdob na pakikiramay sa pamilya ng kanilang EO na si Mark Orlando Q Vallecer II at Election Assistant Janeco Allan Pandoy.
Nanawagan si Garcia sa Philippine National Police na maaresto ang responsable sa pagpatay sa Comelec officers dahil kapag aniya pinapayaan at makakalimutan lahat at lalo lang magkakaroon ng takot ang mga Pilipino.
Ayon sa ulat, dalawang hindi kilalang motorcycle-riding suspect ang bumaril na noo’y minamaneho ang kanyang sasakyan sa Barangay Curva Miagao, Salvador, Lanao del Norte noong Lunes.
Naisugod sa ospital si Vallecer ngunit idineklarang dead on arrival.
Sinabi ni Garcia na ang naturang krimen ay walang lugar sa democratic society.
Aniya, ang ganitong gawain ay nagpapalaganap ng takot, nakagagambala sa proseso ng elektoral at nagpapahina sa mga halaga ng katarungan at kalayaan na nagbubuklod sa bansa.
Gayunman, sinabi ni Garcia na hindi sila mapipigilan ng karahasan at ang mga naghahangad na makapinsala sa demokrasya ng bansa ay haharapin ang buong pwersang hustisya. Jocelyn Tabangcura-Domenden