Home NATIONWIDE POGO probe tinapos ng Senado na may pagkilala sa mga biktima

POGO probe tinapos ng Senado na may pagkilala sa mga biktima

MANILA, Philippines- Opisyal nang isinara ng Senado ang imbestigasyon sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), na may paghahandog mula kay Senador Risa Hontiveros sa mga biktima ng crime-infested industry na namayagpag ng ilang taon.

“Kina Alex Chong, Dale Ignacio, alias Ivy, alias Karina, alias Rita, this is for you. Sa mga biktima ng mga POGO sa loob at labas ng bansa, this is for you,” ayon kay Hontiveros sa kanyang closing remarks.

Pinangunahan ni Hontiveros, chairman ng Senate Committee on Women and Children, ang pagpuna sa problemang idinudulot offshore gambling industry noong kasagsagan nito na nangangakong magbibigay ng trabaho at pamuhunan sa bansa.

Ngunit, ngayong taon lamang ay pumalaot ang imbestigasyon matapos matuklasan ang illegal POGO hub sa Bamban sa Tarlac, na pinoprotektahan ni dating mayor Alice Guo na natuklasang si Chinese national Guo Hua Ping.

“Guo Hua Ping, sisiguraduhin ko na hindi ka na makakaulit dito at matututo ang lahat sa gagawin sa’yo,” babala niya.

Bukod sa pagpapatalsik kay Guo bilang alkalde, responsable rin ang komite sa paglalantad ng ilang krimen na may kaugnayan sa POGOs kabilang ang scam hubs, human trafficking, torture, money laundering, at, Chinese espionage at propaganda.

Ibinulgar din ng komite ang pagkukulang ng batas hinggil sa late birth registration system na ginamit ng dayuhan upang makakuha ng fake Filipino identity.

Ayon kay Hontiveros, naghuhudyat ang pagtatapos ng imbestigasyon ng Senado sa pagsisimula ng malawakang legislative reform na isasagawa.

“This may be the end of our hearings on POGO, but this is only the beginning of the legislative reform that we will strive to push to ensure to every Filipino that there will never be another Alice Guo,” aniya.

“Sa mga kababayan nating Pilipino na hirap na hirap makakuha ng ID, birth certificate, at iba pa, pero araw-araw namumuhay nang may dangal at lumalaban nang patas, this is for you… With many thanks to all our resource persons, this hearing is adjourned,” pagtatapos ni Hontiveros. Ernie Reyes