MANILA, Philippines – Kinondena ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang pagpatay kay broadcaster Julito “Jaz” Diamante Calo sa La Castellana, Negros Occidental noong Biyernes, Marso 20.
Ayon sa PTFoMS, “such an attack on a journalist poses a significant threat to press freedom and the safety of journalists in our country.”
“Nagpapahayag kami ng taos-pusong pakikiramay sa pamilya, kaibigan, at kasamahan ni Mr. Calo. Ang kanyang kamatayan ay paalala sa panganib na kinahaharap ng media practitioners sa linya ng tungkulin,” sabi ng task force.
Batay sa paunang imbestigasyon, nakatayo si Calo sa harap ng bahay nang lapitan siya ng gunman sa puting SUV at barilin bago tumakas patungong La Castellana town center. Idineklarang patay si Calo sa lugar.
Si Calo ay host ng programang “Waswasanay sa Quinto Distrito” sa 88.3 DNN News FM sa Himamaylan City at job order worker sa lokal na pamahalaan. Siya na ang ikasiyam na mamamahayag na napatay sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr., matapos sina Rey Blanco, Percy Lapid, Federico “Ding” Gempesaw, Cris Bundoquin, Juan Jumalon, Juan Dayang, Erwin Segovia, at Noel Bellen Samar.
Noong 2025 World Press Freedom Index ng Reporters Without Borders, pumuwesto ang Pilipinas sa ika-116 sa 180 bansa, itinuturing na “difficult situation” para sa mga mamamahayag at pinaka-delikado sa Asia Pacific na bansa para sa media. RNT/MND