MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Social Welfare and Development’s (DSWD) na ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay sinusuportahan ang bill na inihain ng Palaguin ang Pangkabuhayang Pilipino Party List Representative JC Abalos na magbibigay priyoridad sa tertiary education at employment sa mga benepisyaryo ng 4Ps.
“Yung kay Cong. JC, maganda po yung kanyang bill dahil pag-poprovide ng slots for tertiary education. Maganda po iyon kasi ang 4Ps kaya lang natin i-support hanggang senior high school pero paano yung college,” sinabi ni 4Ps National Program Manager (NPM) Director Gemma Gabuya sa ginanap na DSWD Thursday Media Forum kanina August 7.
Ayon kay Director Gabuya, nakipagpulong si DSWD Secretary Rex Gatchalian kay Cong. Abalos noong Miyerkules (Agosto 6) upang talakayin ang mga batas na sumusuporta sa conditional cash transfer program.
Kaugnay nito kabilang sa mga panukalang batas na tinalakay sa pulong ay ang House Bill (HB) No. 01040, o mas kilala bilang “4Ps Support to Tertiary Education and Employment Program (4Ps STEEP).”
“So itong bill ni Cong. JC, hina-highlight nya na dapat automatic kumbaga, 10 percent halos in every state college ay mayroon talagang slots para sa 4Ps. Kasi ito yung gusto natin, na yung investment natin from elementary to high school ma-sustain hanggang college kasi iyon lang ang paraan na masasabi natin na makakaahon o makakatawid ang isang household sa kahirapan,” sabi pa ni Director Gabuya sa Media.
Sinabi ni Director Gabuya na malugod nilang tinatanggap ang panukalang batas dahil makakatulong ito sa mga conditional cash transfer grant na ibinibigay sa mga household-beneficiaries sa pamamagitan ng pagbibigay prayoridad sa pagpapatuloy ng edukasyon ng mga batang binabantayan ng 4Ps.
“Ang grants kasi hindi sya income. Ito ay talagang tulong sa mga beneficiaries, augmentation lang pero dapat may complementing sa economic side,” pagdidiin pa ni Director Gabuya .
Ang 4Ps ay ang national poverty reduction strategy at human capital investment program na nagbibigay ng conditional cash transfer para mapabuti ang kalusugan, nutrisyon, at edukasyon ng mga batang may edad 0-18. Sa kasalukuyan, higit sa 4 na milyong kabahayan ang patuloy na nakikinabang sa programa. (Santi Celario)