Home NATIONWIDE Pagproseso sa mga permit ng MSME pinabibilis pa ng DTI

Pagproseso sa mga permit ng MSME pinabibilis pa ng DTI

1
0

MANILA, Philippines – Pinabibilis ng Department of Trade and Industry (DTI) ang proseso ng pagkuha ng permits para sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) upang mabawasan ang delays at mas mapalawak ang kanilang access sa merkado.

Ayon kay Trade Secretary Ma. Cristina Roque, nakikipagtulungan ang DTI sa Anti-Red Tape Authority, Bureau of Internal Revenue, Food and Drug Administration at Bureau of Fire Protection para bumuo ng dedicated “green lanes” para sa MSMEs.

Target na matapos ang sistema sa pagtatapos ng taon o unang quarter ng 2027.

Kabilang dito ang standardized fee caps at temporary permit rules upang makapagsimula agad magbenta at kumita ang mga compliant na negosyo.

Sinabi ni Roque na bumubuo ang MSMEs ng 99.6% ng mga negosyo sa Pilipinas at nagbibigay ng trabaho sa 67% ng workforce, kaya mahalaga ang mas mabilis na proseso ng gobyerno para sa kanilang paglago.

Ayon naman kay Senator Bam Aquino, na namuno sa pagdinig, dapat nakabatay sa laki, risk profile at complexity ng negosyo ang mga requirement.

“Hindi po talaga tama na pare-pareho lang ang mga requirement ng maliliit at malalaki,” ani Aquino.

Bukod sa pagpapabilis ng permits, pinalalawak din ng DTI ang sales channels para sa MSMEs. Umabot sa P1 bilyon ang benta sa mga trade show sa Metro Manila sa unang anim na buwan ng 2026, kumpara sa humigit-kumulang P600 milyon sa buong 2025.

Nakikipag-ugnayan din ang DTI sa malalaking retailers, nagbibigay ng libreng puwesto sa pamamagitan ng MSME Hub at ginagamit ang network nitong 29 trade attachés sa 21 bansa upang maiugnay ang mga lokal na negosyo sa foreign buyers at export supply chains.

Inilagay naman sa ilalim ng Office of the Secretary ang Export Marketing Bureau habang pinaiigting ng DTI ang pagtulong sa mga lokal na negosyo na makapasok sa international market. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here