Home NATIONWIDE Pagpunta ni ex-PRRD sa Hong Kong ‘di inisip ng Palasyo na pagtakas...

Pagpunta ni ex-PRRD sa Hong Kong ‘di inisip ng Palasyo na pagtakas sa ICC arrest warrant

MANILA, Philippines – HINDI iniisip ng Malakanyang na iniwasan at tinakasan na ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte ang batas matapos magpunta ng Hong Kong kasabay ng mapaulat na nagpalabas na umano ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban sa kanya.

“Okay, as of now, we are not thinking nor contemplating about the President evading the law. So, maybe I could not answer as of the moment. It’s kind of hypothetical. We cannot conclude that there is this propensity on the part of former President Duterte that he would escape considering he was the one who asked for this. Bakit?,” ang pahayag ni Palace Press Officer at Undersecretary Atty. Claire Castro.

Idinagdag pa niya na “Sinabi niya sa QuadComm hearing, handa siyang harapin ang ICC. Pinamamadali nga niya iyong ICC. ‘Di ba sabi niya, ‘Hurry up!’ At sinabi pa niya, ‘Tomorrow, bukas na bukas din kung gusto ninyong mag-imbestiga and if you will put me in prison, I would rather rot in jail.’So, kaya po iyong mga kababayan natin, dapat mag-relax dahil hiling po ito mismo ng dating Pangulong Duterte.”

Samantala, sakali’t lumabas naman ang red notice na isisilbi ng Interpol habang nasa HongKong pa si Duterte, sinabi ni Castro na ang makikipag-ugnayan sa Interpol ay ang gobyerno na ng Hong Kong.

“Ang pagkakataon lang po yata, ang Hong Kong ay hindi miyembro ng Interpol. So, let’s just cross the bridge when we get there. Hindi po natin masasabi dahil nasa ibang bansa po siya,” ang sinabi pa ni Castro.

Napaulat na nagpalabas na ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban kay Duterte na nasa HongKong ngayon

Base sa ulat, duma­ting sa Maynila ang da­ting Pangulo nitong Huwebes at nag-overnight sa Taguig City bago nagtungo sa airport.

Nabatid na sumakay si Duterte sa Cathay Pacific flight CX912 at umalis mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ng 8:41 ng umaga ng Biyernes at dumating sa Hongkong ng 10:25 ng umaga.

Pinabulaanan naman ng dating chief presidential legal counsel ni Duterte na si Atty. Salvador Panelo ang ulat na tumakas ang dating pangulo.

Paliwanag ni Panelo,­ nasa Hongkong si Duterte para sa isang pagtitipon ng mga OFWs ngayong Linggo sa Southern Stadium sa Wan Chai.

Pasasalamatan aniya nito ang mga OFW sa patuloy na pagsuporta sa kanya at sa kanyang anak na si Vice President Sara Duterte.

Matatandaan na iniimbestigahan ng ICC si Duterte dahil sa madugong war on drugs ng kanyang administrasyon. Kris Jose