MANILA, Philippines – KINOKONSIDERA ng gobyerno na i-regulate ang social media posts, sa gitna ng kumakalat na ‘misinformation at disinformation’ makaraang arestuhin si dating Pangulong Rodrigo Duterte at isuko sa International Criminal Court (ICC).
Sa katunayan, nagsasagawa na ng pag-uusap para sa posibleng pagpapalabas ng bagong guidelines para sa nasabing hakbang.
“Opo, iyan na po talaga ang pinag-uusapan natin ngayon,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Ikinalungkot ni Castro na maging ang Korte Suprema ay biktima ng fake news, kasunod ng kumalat sa social media posts hinggil sa maling pahayag na nagpalabas ito (Korte Suprema) ng temporary restraining order (TRO) sa pag-aresto kay dating Pangulong Duterte at ang petisyon na petition seeking the resignation of President Ferdinand R. Marcos Jr.
Aminado si Castro na hindi magagawang mag-isa ng gobyerno na tugunan ang isyu, sabay sabing kailangan ang “whole-of-nation-approach” para matigil ang pagkalat ng fake news.
“Hindi lamang po ang gobyerno ang siyang magsasaayos po nito. Lahat po tayo ay dapat magtulung-tulong para po maiwasan po natin, matanggal po natin ang lahat ng mga fake news,” ang sinabi ni Castro.
“Kaya kakailanganin po talaga namin ang tulong ng social media, ng mainstream media para masawata po natin ang mga kumakalat na ganitong klase ng fake news,” ang sinabi ni Castro.
Nauna rito, sinabi ni Castro na nakikipag-ugnayan na sila sa National Bureau of Investigation at Philippine National Police para imbstigahan ang mga ‘tagapaglako’ ng fake news. Kris Jose