
MANILA, Philippines – Isang Filipino seafarer ang nasawi sa isang oil tanker sa Indonesia habang sugatan naman ang isa pa nang tamaan ng kadena ng angkla na kinukumpuni nila.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente noong Marso 10 matapos ang dalawang Filipino fitters na sina Romulo Gollayan at Junry Popera ay inatasan na pumasok sa chain hole upang ayusin ang na-stuck na angkla.
Gayunman, kumalas ang kadena ng angkla habang tino-troubleshoot at tinamaan ang dalawa.
Nasawi si Popera dahil sa mas matinding impact ng pagtama sa kanya ng kandena habang dinala naman sa ospital si Gollayan dahil sa kanyang tinamong sugat.
Si Popera ay nagtatrabaho bilang fitter at nagto-troubleshoot ng angkla sa loob ng 15 taon.
Kasalukuyan pa rin nasa Indonesia ang labi ni Popera para sa autopsy habang nakikipag-ugnayan ang kanyang asawa sa may-ari ng barko at sa Overseas Workers Welfare Association kaugnay sa insidente. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)