ANGELES CITY, Pampanga — Ipinaalala ni Chief Justice Alexander Gesmundo na ang kalayaan ay kolektibong tungkulin ng bawat Pilipino at nararapat na pangalagaan at itaguyod ng lahat ng mamamayan.
Sa kanyang mensahe sa pagdiriwang ng ika-128 Araw ng Kalayaan sa Angeles City, binigyang-diin ni Gesmundo ang sama-samang pananagutan sa pagtatanggol sa demokrasya, katarungan, at rule of law.
“Tinatawag tayong magtaguyod ng bansang malaya hindi lang sa mananakop kundi sa gutom, sa kahirapan, sa pangamba, sa pang-aapi, sa korapsyon, sa pandarambong, sa pagkamakasarili at kapabayaan lalo ng mga nasa kapangyarihan at kawalan ng katarungan,” ani Gesmundo.
Ayon sa punong mahistrado, hindi lamang tungkulin ng mga mahistrado, hukom, at abogado ang paghahatid ng katarungan kundi responsibilidad din ito ng buong sambayanan.
“Ang bayang tunay na malaya ay makatarungan. Ang bayang tunay na makatarungan ay malaya,” dagdag niya.
Ang pagdiriwang ngayong taon ang huling Araw ng Kalayaan ni Gesmundo bilang Chief Justice. Nakatakda siyang magretiro sa Nobyembre sa pag-abot sa mandatory retirement age na 70. Jocelyn Tabangcura-Domenden