MANILA, Philippines – MAAARING malagay sa peligro ang integridad ng mga ebidensiya at matakot ang mga testigo sa International Criminal Court (ICC) proceedings laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kapag pinayagan na siya ay pansamantalang makalaya.
Ang katuiwran ni ICC Assistant to Counsel Kristina Conti, nananatili pa rin kasing maimpluwensiya si Duterte at may kakayahan na hadlangan ang kaso.
“Malaki ang capacity niya to, sa totoo lang, maghasik ng lagim,” ang sinabi ni Conti sa panayam sa kanya ng panayam ng Bagong Pilipinas Ngayon.
Kaya nga ang babala ni Conti, ang pahintulutan si Duterte para sa interim release ay maaaring mauwi sa pagkatakot o makasama sa mga testigo at mapakialaman ang mga ebidensiya.
“Importante para sa ICC na sa pagpapatuloy ng proseso ay walang intimidation ng witnesses, walang pagpatay ng witnesses ha, bawal na bawal iyan, at walang bura o pagkawala ng ebidensiya,” ang sinabi ni Conti.
Nababahala rin si Conti sa potensiyal na umiwas si Duterte sa paglilitis.
“Flight risk iyan, mukhang hindi na mababalik para ma-trial, at iyon ang isang malaking bahagi kung bakit siya ikinulong para ma-trial,” aniya pa rin.
Ani Conti, ang insider witnesses kabilang na ang mga dating miyembro ng di umano’y Davao Death Squad (DDS), ay mahalaga sa pagtatatag kung paano ipinag-utos, pinondohan at isinagawa ni Duterte ang extrajudicial killings (EJKs).
Gayunman, binigyang diin ni Conti na ang desisyon na ipresenta ang mga testigo gaya ni dating DDS members Edgar Matobato at Arturo LascaƱas ay nakadepende sa ICC prosecutor, at hindi sa legal team ng biktima.
“Hindi para sa amin, sa bahagi ng mga biktima ang pagpapasya at pagdi-decide tungkol dito sa witnesses, Office of the Prosecutor iyan,” aniya pa rin.
Sinabi ni Conti na ang ICC ay ‘well-prepared’ para sa paglilitis, nagpahiwatig na ang prosecutor ay maaaring may maraming ebidensiya o testigo na handang tumestigo.
“Mukhang may hawak pa siyang iba kaya trial-ready siya eh,” ang sinabi pa rin ni Conti.
Samantala, sa posibilidad naman ng lokal na kaso laban sa mga lower-ranking officials na sangkot sa war on drugs ni Duterte, sinabi ni Conti na nananatiling bukas ang domestic courts para sa pag-uusig.
“Bukas na bukas pa rin ang domestic courts,” ani Conti sabay sabing irerekumenda niya ang paghahain ng kaso laban sa lower-level perpetrators lalo pa’t ang ICC ay nakatuon lamang sa high-ranking officials. Kris Jose