Home NATIONWIDE Amerikanong sabit sa big-time foreign drug cartel nadakip sa Albay

Amerikanong sabit sa big-time foreign drug cartel nadakip sa Albay

NAARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang high-priority American fugitive na nauugnay sa big-time foreign drug cartel sa Albay.

Nabatid na naaresto ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI ang 50-anyos na suspek sa Polangui, Albay, kung saan sinasabing nagtago mula nang dumating ito sa bansa.

Ayon sa BI, may warrant of arrest sa United States ang nasabing dayuhan para sa umano’y pagpuslit ng droga sa bansa para sa Sinaloa Drug Cartel, at inakusahan din siya ng paggamit ng karahasan kapag nangongolekta ng mga bayad mula sa mga customer ng grupo.

Ayon kay FSU Chief Rendel Sy, agad silang bumuo ng tracker team upang hanapin ang nasabing dayuhan kung saan napansin umano nila na medyo mailap ang puganteng Amerikano dahil agad itong lumipat ng bahay nang magsagawa sila ng unang surveillance

“Sinasabing siya ay miyembro ng Devil’s Disciple Gang kung saan siya ay nagdi-distribute ng metamphetamine at heroin sa kanyang area kung saan ang kanyang source ay ang Sinaloa Drug Cartel,” paliwanag ni Sy.

Sinabi ni Sy na tinitingnan ngayon ng BI ang posibleng pagkakasangkot niya sa local crimes o drug-smuggling sa bansa bago siya i-deport sa US.

Nagsasagawa ng backtracking ang BI–FSU sa ilang bahagi ng bansang binisita ng suspek para matunton ang posibleng mga kasabwat na Pinoy na tumulong sa kanya sa pagtatago. JR Reyes