MANILA, Philippines – HINDI papayag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mawala sa Pilipinas ang kontrol sa Bajo de Masinloc sa gitna ng mga alalahanin ukol sa pagpapadala ng Tsina ng floating structures sa pinagtatalunang bahura.
“Hindi po hahayaan ng Pangulo na mangyari po iyan,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro nang hingan ng komento ukol sa pangamba ng publiko sa posibilidad na mabura o mawala sa Pilipinas ang kontrol sa Bajo de Masinloc, o mas kilala rin bilang Scarborough Shoal.
“Alam po natin kung ano ang totoong stance ng Pangulo pagdating sa interes ng mga Pilipino at interes natin dito sa ating West Philippine Sea,” aniya pa.
Aniya pa, batid naman ng Pangulo ang mga nangyayari at nananatili aniyang malinaw ang paninindigan nito na unahin ang paggamit ng mga diplomatiko at legal na hakbang sa pagharap sa ganitong klaseng sitwasyon.
Sinabi rin ni Castro na nakapaghain na ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng diplomatic protest laban sa floating movable platforms na ipinadala ng Tsina sa Bajo de Masinloc.
“So, tuloy pa rin po ang ating paninindigan kung ano ang ating karapatan at ano ang dapat nating ipaglaban,” ang winika nito.
Nauna rito, naghain ang Pilipinas ng diplomatic protest laban sa China dahil sa nakitang floating platform sa Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ginawa lamang nila ang nararapat sa pamamagitan ng paghahain ng diplomatic protest.
Hindi na ibinahagi pa ng DFA ang iba pang detalye dahil sa pagiging confidential ng mga ito.
Sinabi naman ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for WPS Rear Admiral Jay Tarriela na ang mga floating platform ay unang nadiskubre sa pamamagitan ng satellite imagery at maritime domain awareness operations na isinagawa nila noong Mayo.
Dagdag pa nito na may humigit-kumulang 30 square meters ang deck area ng mga platform at tinatayang lima hanggang pitong metro ang haba ng mga ito.
Nakita umano ang ilang Chinese sa platform noong Mayo 30.
Noong Mayo 31, mas lumalim pa umano sa Bajo de Masinloc ang nasabing platform sa tulong ng isang barko ng China. (Kris Jose)