Home NATIONWIDE Pagsalakay ng Tsina sa WPS ipinadudulog sa ASEAN

Pagsalakay ng Tsina sa WPS ipinadudulog sa ASEAN

MANILA, Philippines- Iminungkahi ni Senate President Francis Escudero nitong Miyerkules na idulog ang pinakahuling pagsalakay ng China sa  West Philippine Sea sa Association of Southeast Asian Nations (Asean) upang tuluyan nang matigil ang panggigipit sa teritoryo ng Pilipinas.

Nitong Mayo 19, kinumpiska ng China Coast Guard ang pagkain at iba pang probisyon ng Filipino troops na nakahimpil sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal na pawang paglabag sa international law.

Isang video ang ipinalabas ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ginawang pagsalakay ng China sa pwersa ng Pilipinas sa naturang barko.

Kahit palaging opsyon ang pagsasampa ng kaso laban sa China, sinabi ni Escudero na maaaring idulog ang huling panggigipit sa ASEAN.

“Option palagi ‘yan ng ating pamahalaan pero isang concern din na nais kong i-bring up ay sana subukan kung kakayanin ng ating DFA (Department of Foreign Affairs) na dalhin ito sa Asean,” aniya.

Ipinaliwanag ni Escudero na bilang kasapi ng ASEAN, maaaring dumulog ang Pilipinas sa pagsalakay sa regional body na may hurisdiksiyon sa  West Philippine Sea.

“Hindi kilalang political na asosasyon ang Asean subalit forum pa rin ito para mapag-usapan anumang nagaganap sa parteng ito ng ating mundo dito sa ating rehiyon,” dagdag ng senador.

Sa kabila ng patuloy na panggigipit ng China, nananawagan si Escudero na magkaroon ng mapayapang resolusyon sa sigalot sa pagitan ng dalawang bansa.

Hiniling niya na manatiling kalmado ang magkabilang panig.

“Sana huwag patulan ng ating bansa dahil uulitin ko walang may gusto ng anumang uri ng digmaan na sumiklab dito sa rehiyon natin at lalong-lalo na kung ang magiging battle ground ay ating bansa hindi naman ibang lugar,” aniya.

“So sana itong pag-init na ito ay humupa rin at madaan pa rin, pinapanalangin ko, sa diyalogo at anumang uri ng pakikipag-usap, harapan man, mataas man o mababang lebel upang sa gayon ay magkaroon ng maski papaano pagkakaunawaan sa bagay na ito at mga haharapin pa nating mga hamon sa darating na panahon,” wika pa ni Escudero. Ernie Reyes