Home NATIONWIDE 1-year provisional authority para sa unconsolidated jeep hirit ng Manibela

1-year provisional authority para sa unconsolidated jeep hirit ng Manibela

MANILA, Philippines- Hinikayat ng transport group na Manibela nitong Miyerkules ang pamahalaan na bigyan ang unconsolidated jeepney drivers at operators ng isang taong provisional authority sa gitna ng pagsita sa kanila.

Sinabi ni Manibela chairperson Mar Valbuena na sa panahong ito, dapat silang payagang lumikha at gumamit ng sariling prototype units na nakaabot sa pamantayan sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.

“Ang hiningi po ng Kongreso sa loob ng isang taon makakabiyahe na kami,” wika niya sa isang panayam.

“Papatunayan natin sa DOTr, sa LTFRB, sa gobyerno na kaya po nating sumabay na magpagawa ng sarili nating mga jeepney gamit itong ating mga franchise,” dagdag niya, tinutukoy ang Department of Transportation at ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Bilang tugon, sinabi naman ni DOTr Undersecretary Andy Ortega na walang kasunduan ukol sa sinasabing one-year provisional authority para sa unconsolidated jeepneys.

“Nandun ako sa Kongreso buong hearing. Mukhang nagkamali ata ng pagkaintindi ‘yung isang tao at isang grupo kasi walang naging kasunduan na gano’n. Ang pinaka nangyari, nagkaro’n ng suhestiyon ang isang kaibigan natin na congressman at ang sabi is pag-aaralan naman natin ang kanilang suhestiyon,” pahayag ni Ortega sa hiwalay na panayam nitong Miyerkules.

“Pero ‘yung sinasabi na nagkasundo at dapat gawin ‘yun, definitely hindi po nangyari ‘yun,” patuloy niya. RNT/SA