MANILA, Philippines- Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang reorganization o muling pagsasaayos ng Inter-Agency Task Force on Zero Hunger.
Ang naturang task force ay inatasan na tiyaking tuloy-tuloy at epektibo ang implementasyon ng pinahusay na partnership laban sa programa sa pagkagutom at kahirapan.
Nilagdaan nito lamang Agosto 6, nakasaad sa Executive Order No. 66 na ang mga miyembro ng task force ay maaaring magtalaga ng kahalili para kumatawan sa kani-kanilang tanggapan sa panahon ng kanilang pagliban.
Ang Kalihim ng Department of Social Welfare and Development ang magsisilbing chairperson ng task force.
Ayon sa EO, ang Executive Director ng National Nutrition Council ay aakto naman bilang co-chairperson ng task force.
Itinalaga ng EO ang Kalihim ng Department of Agriculture bilang vice-chairperson.
Nakasaad pa rin sa EO na dapat tiyakin ng task force na ang government policies para makamit ang zero hunger ay “coordinated at responsive.”
Napaulat na na sa 17.6% ng pamilyang Pinoy ang nakaranas ng gutom sa second quarter ng taon, ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Lumitaw rin sa SWS poll, na isinagawa noong nakaraang Hunyo 23 hanggang Julyo 1, na ang 17.6% na nakaranas ng gutom ay tumaas mula 14.2% noong Marso.
Nangangahulugan ito na ang 2024 two-quarter hunger average na 15.9% ay mas mataas ng 5.2 puntos sa 2023 annual hunger average na 10.7%, at ang pinakamataas magmula nang maitala ang 2020 annual hunger average na 21.1% sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ang Metro Manila ang nagtala ng pinakamataas na porsyento ng nakaranas ng gutom sa 20%, bahagyang umakyat mula 19% noong Marso.
Sumunod ang Balance Luzon sa 19.6%, Mindanao sa 15.7%, at Visayas sa 13.7%.
Gayunman, ang pinakamalaking pagtaas sa nakaranas ng gutom ay naitala sa Mindanao sa 15.7% mula 8.7% noong Marso.
Tumaas din ang hunger incidence sa mga pamilyang Pinoy sa Balance Luzon sa 19.6% mula 15.3% noong Marso.
Sa 17.6% pamilyang Pinoy na nakaranas ng gutom, 12.8% ang may moderate hunger, habang 4.9% ang may severe hunger.
Ang moderate hunger ay patungkol sa mga nakaranas ng gutom nang “isang beses“ lamang o sa “ilang pagkakataon” sa huling tatlong buwan.
Samantala, ang severe hunger ay para sa mga “madalas” nakaranas ng gutom sa parehong panahon.
Ang moderate hunger incidence sa mga pamilyang Pinoy sa 12.8% ay halos kapareho ng March figure na 12.2%, habang ang severe hunger ay tumaas ng 2.9% mula 2% noong Marso.
Ang non-commissioned Second Quarter 2024 SWS poll ay gumamit ng face-to-face interviews sa 1,500 adults na may edad 18 at pataas. Sa nasabing bilang, 600 ang mula sa Balance Luzon (o Luzon sa labas ng Metro Manila) habang tig-300 respondents ang nagmula sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao.
Ang sampling error margins ay ±2.5% para sa national percentages, ±4.0% para sa Balance Luzon, at tig-±5.7% sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao. Kris Jose