MANILA, Philippines- Tumuloy na sa route rationalization stage ang public utility vehicle modernization program matapos ang 83% ng mga PUV ay makatalima sa consolidation process, sinabi ng Department of Transportation (DOTr) noong Biyernes.
Sinabi ni DOTr Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Andy Ortega na tuloy ang PUVMP sa kabila ng pagtutol ng dalawang transport group.
Ayon kay Ortega, tatagal ito ng halos dalawang taon.
Nagsasagawa rin ang DOTr ng capacity building ng PUV cooperatives sa pamamagitan ng seminar sa management, financial management, labor laws, at road discipline, ayon kay Ortega.
Inihayag din ni Ortega na imomodernisa ang PUV units kahit na ito ay aabutin ng ilang taon upang ganap na maisakatuparan.
Ang konsolidasyon ng mga indibidwal na prangkisa ng PUV sa mga kooperatiba o korporasyon ay ang unang yugto ng PUVMP, na tinatawag na Public Transport Modernization Program (PTMP).
Nasa 81.11% o 155,513 sa 191,730 PUV units ang pinagsama-sama sa mga kooperatiba o korporasyon matapos ang April 30 deadline.
Sinabi ng DOTr na may kabuuang 36,217 PUV ang nanatiling hindi consolidated. Para sa mga ruta, 74.32% o 7,077 sa 9,522 ang na-consolidated habang 2,445 na mga ruta ang nanatiling unconsolidated, sabi ng DOTr.
Nauna nang sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ang PUVs na hindi consolidated pagkatapos ng Abril 30 na deadline ay itinuturing bilang “colorum” o isang PUV na tumatakbo nang walang prangkisa.
Gayunman, pinahintulutan ng LTFRB ang mga unconsolidated jeepney at UV Express na mag-operate sa mahigit 2,500 ruta na may mababang bilang ng mga konsolidasyon.
Sa Àgosto 14 hanggang 16, ang transport group na Manibela ay magsasagawa ng transport strike matapos tanggihan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang resolusyon ng Senado para sa pagsuspinde sa PUVMP. Jocelyn Tabangcura-Domenden