MANILA, Philippines- Pinuri ni Senador Christopher “Bong” Go, kilala bilang “Ama ng Malasakit Centers program” ang kahanga-hangang pag-unlad ng Malasakit Center sa Davao Oriental Provincial Medical Center sa Mati City.
Mula nang mabuo, ang Malasakit Centers ay nagbibigay ng kagyat na serbisyong medikal sa napakaraming pasyente bawat taon, nagpapakita ng malaking tulong nito sa lokal na sistema ng pangangalagang pangkalusugan.
“Taos-puso akong nagpapasalamat at patuloy na humahanga sa dedikasyon ng ating frontliners sa Davao Oriental Provincial Medical Center. Ang Malasakit Center ay nagsisilbing tulay para maabot ng ating mga kababayan ang tulong medikal na kinakailangan nila nang walang kahirap-hirap,” sabi ni Go.
Mula sa paglulunsad nito, ang Malasakit Center sa DOPRMC ay nagkapagsilbi sa 9,454 pasyente noong 2020, tumaas sa 13,486 noong 2021, at umabot sa 23,019 noong 2022. Noong 2023, ang bilang ng mga benepisyaryo ay umakyat sa 29,715. Nitong namang Hulyo 2024, ang center ay nakatulong na sa 11,920 pasyente na nagdala sa kabuuang 87,594 na nasilbihan mula nang magbukas.
“Ang bawat numero ay may kuwento ng isang Pilipinong natulungan, isang buhay na pinabuti. Patuloy tayong magsisikap na palawakin pa ang saklaw ng ating serbisyo sa Malasakit Center para walang maiwan pagdating sa kalusugan,” ayon sa senador.
Ang Malasakit Center ay idinisenyo upang pabilisin ang tulong medikal at pinansyal na ibinibigay ng gobyerno sa mga Pilipino, lalo sa mahihirap at marginalized.
Pinagsasama-sama sa Malasakit Centers ang mga kinatawan mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ang one-stop shop na ito ay naglalayong suportahan ang mahihirap sa pagbabawas ng kanilang mga gastos sa ospital sa pinakamababang posibleng halaga.
Si Go ang pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act No. 11463 o ang Malasakit Centers Act of 2019 na nag-institutionalize sa Malasakit Centers program.
Sa ngayon ay may 166 Malasakit Centers ang operational sa buong bansa at nakahandang tumulong sa mga gastusin sa pagpapagamot ng mga pasyente. Iniulat ng DOH na ang programang Malasakit Center ay nakapagbigay na ng tulong sa humigit-kumulang 10 milyong Pilipino.
“Ang Malasakit Center ay patunay na kapag tayo’y nagtutulungan, walang imposible sa pagpapabuti ng ating kalusugan,” idiniin ni Sen. Go. RNT