Home METRO LRT-1 ops sususpendihin sa loob ng 3 weekend

LRT-1 ops sususpendihin sa loob ng 3 weekend

MANILA, Philippines- Pansamantalang sususpendihin ang operasyon ng Light Rail Transit 1 (LRT 1) sa loob ng tatlong weekends upang bigyang-daan ang preparsyon para sa pagbubukas ng Phase 1 ng extension nito sa Cavite sa huling bahagi ng taon, ayon sa Light Rail Manila Corporation nitong Biyernes.

Sa kanilang social media post, sinabi ng LRMC na walang commercial train na available mula Fernando Poe Jr o dating Munoz Station patungong Baclaran Station sa sumusunod na mga petsa.

  • Agosto 17 hanggang 18

  • Agosto 24 hanggang 25

  • Agosto 31 hanggang Setyembre 1

“The temporary closures will result in long -term convenience once the extended #LRT1 line becomes operational,” ayon pa sa abiso ng LRMC.

Pinayuhan naman ng pamunuan ang mga komyuters na planuhin ang kanilang paglalakbay nang naaayon at gumamit ng mga alternatibong opsyon sa transportasyon.

Saklaw ng Phase 1 ng LRT1 Cavite Extension Project ang unang limang karagdagang istasyon na sumasaklaw sa mahigit anim na kilometro sa loob ng lungsod ng Paranaque, katulad ng Redemptorist, MIA, PITX Asia World, Ninoy Aquino, at Dr. Santos.

Ang Phase 1 ay magpapahaba sa kasalukuyang Line 1 nang 6.2 kilometro.

Inaasahan itong makababawas sa travel time at magbebenepisyo sa hanggang 600,000 pasahero kada araw. Jocelyn Tabangcura-Domenden