Home NATIONWIDE Pagsasanay sa pamumuno, pamamahala, isinagawa ng DAR sa Eastern Visayas ARBO

Pagsasanay sa pamumuno, pamamahala, isinagawa ng DAR sa Eastern Visayas ARBO

284
0

LEYTE, Philippines – Upang gawin produktibo ang samahan ng mga magsasaka pinalakas ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang kakayahan sa pamumuno at pamamahala ng labing-apat (14) na Agrarian Reform Beneficiaries Organizations (ARBOs) mula sa Leyte, Biliran, at Southern Leyte sa pamamagitan ng dalawang-araw na pagsasanay sa pamumuno at organisasyonal na pamamahala na isinagawa sa Tacloban City.

Ayon sa DAR layunin ng aktibidad na gawing mas produktibo, matatag, at may kakayahang magsarili ang mga samahan ng magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanilang mga lider ng mahahalagang kasanayan sa epektibong pamamahala, kaalaman sa batas, partisipasyon ng mga kasapi, at mga kasanayang matatag sa pagbabago ng klima.

Kaugnay nito binigyang-diin ni Ma. Elsa Veloso, DAR Eastern Visayas Regional Chief Administrative Officer at Capability Building and Technical Assistance (CBTA) lead coordinator sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (Project SPLIT), ang kritikal na kahalagahan ng inisyatiba.

“Alam po namin na hindi biro ang maging lider o opisyal ng isang organisasyon—maraming responsibilidad, maraming kailangang ayusin, at laging may inaasahang resulta mula sa inyo,” ani Veloso. “Kaya po namin inihanda ang pagsasanay na ito upang suportahan at higit pang patatagin ang inyong kakayahan sa pamumuno at pamamahala.”

Samantala malugod na tinanggap ng mga kalahok ang pagkakataong mapalawak ang kanilang kakayahan. Ayon kay Virginia Docallos, isang agrarian reform beneficiary (ARB) mula Naval, Biliran at kalihim ng Pangkaunlarang Kilusan ng taga-Catmon Agrarian Reform Cooperative (PAKITARCO): “Malaking tulong ang pagsasanay na ito para mapalakas ang aming kooperatiba. Mas malinaw naming natutukoy ang mga tiyak na tungkulin ng bawat miyembro, na makakatulong sa amin upang sabay-sabay sa pagsulong, hindi lamang para sa organisasyon, kundi pati na rin para sa bawat kasapi at sa aming komunidad.”

Bahagi ang pagsasanay na ito ng mas malawak na layunin ng Project SPLIT—hindi lamang upang hatiin ang mga kolektibong titulo para mas mapatatag ang karapatan ng mga ARB sa kanilang lupang iginawad sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), kundi upang matiyak na ang bawat tulong na ibinibigay sa mga benepisyaryo sa pamamagitan ng kanilang ARBOs ay magbunga ng pangmatagalang pag-unlad, epektibong pamamahala, at sariling kakayahan. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here