MANILA, Philippines – Hiniling ni Agri Partylist Rep Wilbert Lee sa Kamara na siyasatin ang nakakaalarmang pagsasara ng mga
small-scale rice at corn mills sa may 1,000 barangay sa bansa sa nakalipas na 10 taon.
Sa House Resolution (HR) No.2150 na inihain ni Lee iginiit nito na malaking epekto sa kabuhayan at food security ang pagsasara ng mga mill.
“Nakakabahala ang pagsasara ng mga rice and corn millers sa napakaraming barangay sa bansa na hindi nakasabay sa pagdagsa ng mas murang imported na produkto sa merkado. Marami na naman nating magsasaka ang apektado ang kabuhayan at kita sa mga pagsasarang ito,” pahayag ni Lee.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) lumilitaw na may 15,436 barangays na may rice at corn mills noong 2023, mababa ito kumpara sa 16,476 noong 2013.
“Kung magpapatuloy ito, bababa pa ang kita ng ating mga lokal na magsasaka, mawawalan sila ng gana, at bababa ang produksyon na siya namang magpapalayo sa katuparan ng food security sa bansa,” giit ni Lee.
Sinabi ni Lee na dapat isama sa gagawing imbestigasyon ang pagsilip sa mga programa ng gobyerno pada sa mga rice at corn millers.
“With small-scale rice and corn mills closing despite recurring calls to elevate the state of the country’s agriculture sector, the government needs to recalibrate its policies so progress can be felt by our local food producers,” pagtatapos pa ni Lee. Gail Mendoza