Home HOME BANNER STORY Higit 22,000 deboto nakiisa sa ‘pahalik’

Higit 22,000 deboto nakiisa sa ‘pahalik’

MANILA, Philippines – Unti-unti nang dumadagsa ang mga deboto sa Quirino Grandstand para sa “Pahalik’ sa Poong Hesus Nazareno.

Base sa crowd estimate na ibinahagi ng Nazareno Operation Center, umabot na sa 22,327 simula umaga ng Miyerkoles ang nagtutungo sa Rizal Park para pumila sa pahalik.

Ngunit sa aktwal na bilang ng Security and Public Safety Coverage ng Manila Police District (MPD) ay nasa 8,300 na lamang ang crowd estimate dahil ang iba ang nagsiuwian na.

Ayon sa Nazareno Operation Center, normal at payapa ang sitwasyon ngayon sa Quirino Grandstand mula nang magsimula ang aktibidad noong Lunes ng gabi, Enero 6.

Inaasahan naman na bubuhos ang mga deboto mamayang hapon hanggang bukas para humabol sa pahalik at misa na gaganapin bago umarangkada ang prusisyon ng andas ng imahe ng Poong Hesus nazareno o Traslacion.

Sa tantya ng Quaipo church, aabot sa milyong deboto ang makikiisa sa tradisyunal na aktibidad para ipakita ang kanilang debosyon at pananampalataya sa Poong Jesus Nazareno.

Nauna na ring sinabi ng Simbahan na posibleng kakaunti na lamang ang makikilahok ngayong taon sa Traslacion dahil gaganapin at ipagdiriwang na ito sa buong bansa. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)