MANILA, Philippines – INIUTOS ni Executive Secretary Lucas Bersamin ng Office of the President ang 12 buwang suspension order laban kina Urdaneta City Pangasinan Mayor Julio Parayno at Vice Mayor Jimmy Parayno matapos mapatunayang liable sa kasong grave misconduct at grave abuse of authority na naisampa sa Malakanyang ni Michael Brian Perez, punong barangay ng San Vicente Urdaneta City Pangasinan.
Kaugnay nito sa ipinalabas na desisyon ni Secretary Bersamin nitong January 7, 2025 hinggil sa administrative complaint case no 22-K-090 na naisampa ni Perez noong October 28, 2022, napatunayan sa masusing pagbusisi sa kaso na liable ang dalawang Parayno sa naturang kaso.
Bunsod sa nasabing desisyon at sa memorandum order ni Atty Romeo Benetiz, Undersectrtary for External Legal and Legislative Affairs, ay iniatas ni DILG Region 1 director Jonathan Paul Leusen Jr. kina Parayno na sundin ang utos.
Base sa reklamo, inabuso umano ng mga Parayno ang kanilang kapangyarihan nang suspendihin at patalsikin bilang Liga ng mga Barangay President si Perez at palitan bilang LNB President ng Office of the Mayor at Sangguniang Panlunsod na hindi naman nila sakop.
Sinasabing magkatulong ang dalawang Parayno na magsagawa ng reorganization sa mga opisyal ng LNB noong May 16, 2022 at nagpalabas ng Notice of Suspension laban kay Perez noong June 15, 2022 para hindi na makabalik si Perez bilang LNB President. (Santi Celario)