MANILA, Philippines- Nanindigan ang Office of the Ombudsman (OMB) sa desisyon nito na tanggalin sa pwesto si Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) National Director Demosthenes R. Escoto.
Sa walong pahinang joint order, ibinasura ng OMB ang apela ni Escoto na mabago ang naging kautusan ng OMB noong Feb. 5 na sibakin siya sa serbisyo dahil sa grave misconduct at conduct prejudicial to the service at ang pagsasampa sa kanya ng kasong katiwalian.
Iginiit ng OMB na mananatili ang kanilang Feb.5, 2024 resolution at decision.
Bahagyang binago rin ng OMB ang desisyon matapos ideklara na habang panahon nang ipinagbabawal si Escoto na makapagtrabaho sa anumang sangay ng gobyerno.
Sinabi ng Ombudsman na kasama sa pagsibak kay Escoto sa tungkulin ay ang pagkansela na rin sa karapatan na makapagtrabaho sa pamahalaan.
Nag-ugat ang kaso mula sa pagbili ng transmitters at transrecievers para sa Integrated Marine Environment Monitoring System Project Phase II (PHILO Project ng BFAR noong 2018.
Iginawad ang proyekyo sa SRT-France, isang subsidiary company ng SRT-United Kingdom (SRT-UK) incorporated sa France.
Ngunit idineklara ng French government (na siyang nagpautang sa Pilipinas para sa proyekto) na hindi kwalipikado sa naturang proyekto ang SRT-France sa ilalim ng termino ng pautang nito sa Pilipinas dahil ang SRT-France ay wala naman manufacturing at engineering facilities sa France.
Wala rin itong record of activities sa France.
Sinabi ng OMB na ang mga naging hakbang ni Escoto ang naging instrumento para magtagumpay ang maanomalyang transaksyon. Teresa Tavares