Home METRO Biyahe pauwi ng mga probinsya bumabagal na sa ‘holiday rush’

Biyahe pauwi ng mga probinsya bumabagal na sa ‘holiday rush’

MANILA, Philippines- Nakaranas ang mga biyahero ng mabigat na daloy ng trapiko pauwi sa mga probinsya nitong weekend sa pag-igting ng holiday rush, ilang araw na lamang bago sumapit ang Pasko.

Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), naiulat ang pinakamalalang trapiko sa mga kalsada patungo sa Bicol Region, dahil sa pagkumpuni sa major highways na napinsala ng mga bagyo.

“Kung dati  ang biyahe natin from Manila to Legazpi, ang mabilis na po diyan ay nine hours kung wala hong traffic ‘yan. Nung nagkaroon ng traffic ay times  two — ‘yung nine hours naging 18 hours po,” pahayag ni DPWH Region 5 Director Virgilio Eduarte sa isang panayam nitong Linggo.

Nakaranas din ang mga biyahero ng lima hanggang anim na oras na gridlock sa kahabaan ng Andaya Highway sa Lupi,  Camarines Sur.

Naiulat naman ang parehong traffic conditions sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Labo, Camarines Norte, dahil din sa road repairs.

Naramdaman din ang holiday congestion sa transportation hubs, na nakaantala sa mga biyahe sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), na nakapagtala ng record-high na 218,000 pasahero noong Sabado, Disyembre 21. Pagsapit ng alas-5 ng hapon ng Linggo noong Disyembre 22, nakapagtala na ang PITX ng 150,000 pasahero.

Sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), inaasahan ng operators ang 2.296 milyong pasahero sa pagitan ng December 20 at January 3, 2025, na mas mataas ng 10.95% mula sa parehong period ng taong 2024.

“Christmas is a time for connecting with family, friends, and loved ones. While this is one of the busiest seasons for NAIA, we are working hard to make the experience as safe and comfortable as possible for all passengers,” pahayag ni New NAIA Infra Corp. (NNIC) President Ramon Ang.

Upang pangasiwaan ang holiday rush, nagtalaga ang Bureau of Immigration (BI) ng lahat ng available na tauhan sa mga daungan at paliparan at sa mobile counters. RNT/SA