MANILA, Philippines – Inihayag ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pagdinig ng Senado na maaaring bahagi ng mas malawak na operasyon ng espiya na may kaugnayan sa Chinese maritime forces ang pagsubaybay sa mga barko ng Pilipinas na papunta sa West Philippine Sea (WPS).
Ibinunyag ito matapos itaas ni Senate Majority Leader Francis Tolentino, chairman ng Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones, ang alarma sa mga ulat na alam na ng mga sasakyang pandagat ng China ang mga Philippine resupply missions kahit bago pa ito umalis mula sa Palawan—senyales umano ng posibleng intelligence leak o koordinasyon mula sa loob.
Ayon kay Atty. Van Homer Angluban, executive officer ng NBI Cybercrime Division, “May impormasyon mula sa military na bago pa man umalis ng Palawan ang mga barko ng Pilipinas ay alam na ng China na may paparating na resupply mission.”
Tinukoy ni Angluban ang tinaguriang “Palawan 5” — limang Chinese national na magkakahiwalay na inaresto noong Enero dahil sa hinalang paniniktik sa mga asset ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard sa Palawan.
Dagdag pa niya, aktibong bini-verify ng NBI, katuwang ang military intelligence units, ang mga tinatawag na “intelligence packets” na maaaring may kaugnayan sa foreign surveillance activities.
Binigyang-diin ni Tolentino na ang nasabing espionage activities ay umaabot na sa “crisis proportions.” Aniya, may indikasyong isinasagawa ang pagsubaybay sa mga sensitibong impormasyon kaugnay ng preparasyong militar, operasyon sa dagat, at kritikal na pambansang imprastraktura.
Iniuugnay rin ni Tolentino ang mga pag-aresto sa Subic sa mga naunang cyber attacks sa mga ahensyang tulad ng Department of Science and Technology (DOST), Department of Information and Communications Technology (DICT), at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).