Home NATIONWIDE CBCP: Iwasang isulong si Cardinal Tagle bilang susunod na Papa

CBCP: Iwasang isulong si Cardinal Tagle bilang susunod na Papa

MANILA, Philippines – Nanawagan ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga mananampalataya na huwag munang isulong sa publiko si Cardinal Luis Antonio Tagle bilang susunod na pinuno ng Simbahang Katolika kasunod ng pagpanaw ni Pope Francis.

Ayon kay Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs, ang pagpili ng bagong Santo Papa ay dapat iwan sa mga cardinal-electors na siyang inaasahang boboto sa loob ng conclave.

“Ang paglabas ng bagong Papa ay responsibilidad ng mga cardinal-electors. Mahalaga na ang kanilang desisyon ay maging malaya at walang impluwensiya mula sa mga kampanyang publiko,” pahayag ni Secillano.

Binigyang-diin ng CBCP na ang kalayaan at pagiging independent ng mga cardinal-electors ay susi sa tamang pagpili ng kahalili ni Pope Francis, na pumanaw sa edad na 88.

Sa kasalukuyan, nakatuon ang buong Simbahang Katolika sa pagbibigay-pugay at paggunita sa buhay at pamumuno ng yumaong Santo Papa. Inaasahan namang magpupulong ang mga cardinal upang itakda ang petsa ng conclave para sa eleksyon ng bagong Papa.

Samantala, inalala ni Dagupan-Lingayen Archbishop Socrates Villegas ang isang makabuluhang tagpo sa kanyang buhay kung saan personal siyang pinatatag ng yumaong Papa sa gitna ng mga banta at pangungutya dahil sa kanyang matinding pagtutol sa extrajudicial killings (EJKs).

Ayon kay Villegas, hinimok siya ni Pope Francis na manatiling matatag sa kanyang pastoral na pamumuno at magpatuloy sa pagbibigay-gabay sa mamamayan, sa kabila ng patuloy na pressure mula sa gobyerno. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)