Nagbabala si Vice President Sara Duterte nitong Martes, Nob. 26, na kasama sa “playbook” ng mga Marcos ang pagsupil at pang-aapi sa oposisyon, kabilang ang pagpaslang kay dating senador at pambansang bayani na si Benigno “Ninoy” Aquino Jr.
“Tandaan, kilala sila sa political persecution. Sinupil at inaapi nila ang oposisyon. And then somebody was assassinated at the airport tarmac, di ba?,” aniya sa isang press conference.
Si Aquino, isang masugid na kritiko ni Marcos Sr., ay binaril nang lumapag sa Manila International Airport noong Agosto 1983. Ang kanyang pagkamatay ay naging daan para sa EDSA People Power Revolution na nagpabagsak sa diktadurang Marcos.
“Ang mga tao ay nagagalit, nadidismaya at ano ang kanilang ginawa? Gumawa sila ng scenario na may national emergency. Naglagay sila ng mga bomba para gumawa ng scenario na mayroong national emergency,” dagdag pa ng Bise Presidente.
Ang tinutukoy ng Pangalawang Pangulo ay ang tangkang pagpatay kay noon ay Ministro ng Depensa na si Juan Ponce Enrile noong Setyembre 1972 na ginamit ni Marcos Sr. bilang katwiran para sa deklarasyon ng Batas Militar ilang araw pagkatapos.
“At pagkatapos ay pinaslang nila ang kanilang kaaway sa pulitika. At iyon ang playbook. Nakita na natin yan sa history. So, that’s my proof,” ani Duterte.