HINDI na nakagugulat ang away sa pagitan ng mga lider ng bansa gaya ng nangyayari kina Pangulong Bongbong Marcos at Vice President Sara Duterte.
Puno tayo ng kasaysayan nito.
Pinakatampok ng mga ito ang away nina ex-President Emilio Aguinaldo at Katipunan founder at unang Presidente ng Philippine Provisional Revolutionary government na si Andres Bonifacio.
Kasama rin dito ang away nina ex-Pres. Ferdinand “Ferdie” Marcos, Sr. at dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino.
Sa unang away, pinatay si Bonifacio ng grupo ni Aguinaldo noong Mayo 19, 1897 sa Maragondon, Cavite.
Sa ikalawang away, pinatay si Ninoy habang bumaba sa hagdanan ng eroplano sa ngayo’y Ninoy Aquino International Airport noong Agosto 21, 1983.
Ngayon naman, tumitindi ang away nina Bongbong at Sara.
Batay sa naunang mga away sa kasaysayan ng Pilipinas, hahantong din kaya ang patayan sa pagitan nina Bongbong at Sara?
Siyempre, dasal ng bayan, huwag nang maulit ngayon ang naunang mga patayan ng mga lider ng bansa.
Pero paano kung hindi magkakabisa ang dasal at iba pang paraang ligal at mapayapang paraan at ang mga personal at pampulitikang interes ng magkabilang panig ang mananaig?
At paano kung sasandig din ang magkabilang panig sa mga kasaysayan ng kanilang mga pamilya na may pagdanak ng dugo sa kanilang mga kamay?
Ano ba ang kahulugan o naging pakinabang ng taumbayan sa mga patayang ito?
Depende kung sino ang tumitingin.
Halimbawa, nahati umano ang mga rebolusyonaryo sa patayan nina Emilio at Aguinaldo at wala na silang nagawa nang ibenta ng Espanya ang Pinas sa mga Amerikano sa Treaty of Paris noong Disyembre 10, 1898 at muling naging kolonya ng bagong dayuhang lahi ang Pilipinas.
Nagbunga naman ng pagbabalik sa demokrasya ng EDSA Revolution sa patayan nina Marcos at Aquino pero ngayon, nilalangaw na ang selebrasyon dito.
Ano naman kaya ang mangyayari sa away nina Bongbong at Sara at ano ang ibubunga nito sa bansa?