ANG buwan ng Marso kung tawagin ng Bureau of Fire Protection ay ‘Fire Prevention Month’ dahil sa kasaysayan, ito ang bahagi ng taon na madalas magkaroon ng sunog.
Ang rason ng mga taga- BFP, ang Marso ay simula ng summer na ang dalang mainit na panahon ay sanhi ng mga sumisiklab na insidente ng sunog.
Pero kung pagbabasehan ang kaliwa’t kanang sunog na nangyayari – summer man o rainy season, dapat sigurong ideklara ng BFP na all-year-round ang fire prevention.
At sa imbestigasyon ng fire agency, karamihang pinagmumulan ng sunog – kundi faulty electrical wirings ay sumasabog na liquified petroleum gas tanks.
Noong nakaraang linggo lamang, halos 2,000 pamilya ang nawalan ng bahay sa sunog sa Isla Puting Bato sa Tondo, Manila na ang dahilan ay sumabog na LPG tank.
Kaya ‘on the right track’ ang ginawang paglusob ng Criminal Investigation and Detection Group sa mga establisyemento na sources ng ‘unsafe’ LPG products.
Sa utos ni Philippine National Police chief PGen Rommel Marbil ay ni-raid ng pulisya ang isang illegal LPG refilling station sa Barangay Mahabang Parang, Sta. Maria Bulacan.
Kinumpiska ng CIDG raiders ang natagpuang LPG tanks at refilling equipment na nagkakahalaga ng P5.7 milyon, ayon kay PBGen. Nicolas Torre lll.
Kabilang sa mga nakumpiska ay ni-repair at pinturado nang mga tangke ng LPG na tinatayang unsafe na dahil sa kalumaan ay maaaring sumasabog.
Ilang illegal LPG refilling places ang tinatarget ng CIDG para maiwasan ang pagkalat ng ‘unsafe’ LPGs na kundi masusupil ay tiyak na magiging dahilan pa ng mga sunog.
“This operation highlights out commitment to enforcing regulations against unauthorized LPG activities to ensure public safety, dahil ang gusto g pulis, ligtas ka”, pahayag pa ng CIDG chief.